Inaasahang papatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman ang nasa 50 mga barangay captains ngayong linggo.
Sa ulat ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong sa Davao City, kanyang sinabi na pawang mga sangkot ang mga ito sa anomalya sa social amelioration program (SAP).
Ayon kay Año, ipapataw ang suspensyon sa 50 barangay captains habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman sa kinahaharap na kasong administratibo ng mga ito.
Kinabibilangan aniya ito ng 13 barangay captain sa National Capital Region (NCR), 13 mula sa Region 1, 10 mula sa Region 2, tatlo sa Region 3 at 11 sa Region 4A.
Dagdag ni Año, umaabot na rin sa 155 na mga reklamo kaugnay ng mga anomalya sa pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng SAP.
Inaasahan ng kalihim na madaragdagan pa ang mga nabanggit na bilang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng tanggapan ng Ombudsman.