Target ng gobyerno na mabakunahan kontra COVID-19 ang 50% ng populasyon sa NCR sa dalawang linggong ECQ sa rehiyon.
Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, inaasahan nilang sa pagtatapos ng lockdown ay nabakunahan na ang dagdag na 4 milyong indibidwal para maabot ang 50% na fully vaccinated individual sa Metro Manila.
Ani Galvez, dinoble ang suplay ng bakuna sa Metro Manila gayundin sa ibang lugar na nakikitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Una rito, inaprubahan ng gobyerno ang hirit ng Metro Manila Mayors na dagdag 4 milyong COVID-19 vaccines para mapursige ang immunization program habang ECQ.