Halos 50 na ang patay kabilang ang 18 sibilyan sa nagpapatuloy na bakbakan ng mga magkakalabang paksyon ng mga rebeldeng grupo sa kabisera na Tripoli sa Libya.
Tinaya naman ng Libyan Health Ministry sa 150 ang sugatan sa sagupaan kabilang ang mga sibilyan.
Nagsimula ang kaguluhan noong Agosto 27 matapos salakayin ng 7th Brigade Armed Group ang kalabang rebeldeng grupo.
Bagaman nagkasundo sa isang ceasefire na sinuportahan ng United Nations, muling sumiklab ang putukan na sinundan ng pag-ulan ng mga rocket dahilan upang pansamantalang isara ang nag-iisang airport sa Tripoli.
DFA inihahanda na ang paglikas ng mga Filipino sa Libya
Inihahanda na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paglikas sa 3,500 Filipino sa Libya.
Ito’y makaraang itaas ng DFA sa level 3 mula sa level 2 ang alert status sa gitna ng nagpapatuloy na sagupaan ng mga magkakalabang rebelde sa kabisera na Tripoli kung saan nasa 50 na ang patay.
Inabisuhan na ni DFA Assistant Secretary Elmer Cato ang Filipino community sa nabanggit na bansa na maghanda na sa posibleng evacuation.
Ipinabatid na rin aniya ni Secretary Alan Peter Cayetano, na kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel, kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang pasya ng DFA na itaas ang crisis alert level.
Sa ilalim ng alert level 3, hindi muna papayagang makabalik ng libya ang mga overseas Filipino worker (OFW) na naka-bakasyon sa Pilipinas.