Tinatayang limang daang mag-aaral ang pansamantalang mawawalan ng silid-aralan makaraang lamunin ng apoy ang heritage building ng Francisco Bustamante Central Elementary School sa Brgy. Tibungco, Davao City.
Ayon kay Fire Officer 3 Aries Ballarta, natupok ang 13 silid-aralan ng grade 1, grade 2 at grade 3, principal’s office, guidance office, at pati ang kuwarto kung saan nakatago ang mga dokumento ng eskwelahan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Panacan Fire Station, nagsimula ang sunog sa classroom ng alternative learning system pero hindi pa tukoy kung ano ang naging sanhi nito.
Pahayag ni School Principal Janice Ilaguison, balak nilang ihalo muna sa ibang klase ang mga batang nawalan ng silid-aralan habang hindi pa nagagawa ang mga nasunog na gusali.
Tinatayang aabot sa 7 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga napinsalang ari-arian sa naturang insidente.