Tinatayang limang daang (500) sundalo ang makakasama ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency sa giyera kontra droga na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Eduardo Año, ang mga ito ay magiging miyembro ng Anti-Illegal Drugs Task Force kung saan isasailalim muna sila sa pagsasanay bago isasabak sa trabaho.
Sinabi ni Año nakipagpulong na siya kay PDEA Director Isidro Lapeña at lumagda sa isang MOA o Memorandum of Agreement bago pa lamang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pambansang Pulisya na itigil na ang anti-drug operations.
Nilinaw naman ng AFP Chief na hindi sila magiging katulad ng Oplan Tokhang na ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) dahil mga high-level drug syndicate lamang ang kanilang tutugisin.
Samantala, hindi magiging madugo ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa iligal na droga.
Ito ang siniguro ni Año sa gitna nang nakaambang pagpapagana sa binuong joint task force ng PDEA at AFP na siyang magtutuloy ng war on drugs ng administrasyon.
Ayon kay Año, hindi tatargetin ng mga sundalo ang mga street drug pusher dahil ipauubaya na nila ito sa PDEA.
Hindi rin aniya magkakaroon ng Oplan Tokhang na una nang isinagawa ng mga pulis.
Sa halip, tutulungan ng militar ang PDEA sa pagtugis sa mga big time drug syndicate sa bansa.
By Jelbert Perdez | Rianne Briones | with report from Jonathan Andal (Patrol 31)