Mahigit 200,000 na ang nare-recruit ng gobyerno para magsilbing contact tracers.
Ayon ito kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año subalit kailangan pa rin ng 50,000 contact tracers para mapalakas pa ang kampanya kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Año na karamihan sa 238,000 contact tracers ay volunteers at mula sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Armed Forces of the Philippines, at idineploy lamang sa mga lugar kung saan sila nagvo-volunteer.
Ang kukunin aniyang dagdag pang contact tracers ay ilalagay sa mga lugar kung saan kailangang kailangan ang contact tracing.
Inihayag pa ni Año na 20,000 contact tracers ang idedeploy sa Luzon at tig-15,000 naman sa Visayas at Mindanao.
Kukunin ang mga contact tracers sa mga lalawigan subalit ilalabas ang mga ito sa isang partikular na rehiyon.