Hindi na mag-a-angkat ang National Food Authority (NFA) ng 330,000 metric tons ng bigas para sa buffer stock nito.
Ito ang nilinaw ng Department of Agriculture matapos umani ng batikos ang ikinakasang importasyon ng N.F.A. Dahil lalabagin nito ang rice tariffication law.
Kinumpirma ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla na sa halip mag-angkat, inabisuhan nila ang n.f.a. Na bumili sa mga local farmer.
Tiniyak din ni Usec. Sombilla sa mga consumer na may sapat na rice supply hanggang katapusan ng taon.
Bagaman papasok ang lean months sa ikatlong quarter ng taon, inaasahang madaragdagan ang supply dahil sa pagsisimula ng anihan sa ika-apat na quarter o simula Oktubre.
Tatagal naman anya ng 45 araw ang total supply pagsapit ng katapusan ng taon, kabilang ang in-import ng private sector.
Samantala, itinanggi rin ng opisyal ang mga ulat na tataas pa ng sais pesos ang kada kilo ng bigas dahil sa katunayan ay nagsimula nang bumaba ang presyo nito sa world market.