Nasa kalahating milyong kabataang nasa edad lima hanggang labing isa ang magpapabakuna sa pagsisimula ng Pediatric COVID-19 vaccination ngayong araw, Pebrero a-7.
Sa pahayag ni National Vaccination Operations Center (NVOC) Co-lead Dr. Kezia Lorraine Rosario, sisimulan ngayong Lunes ang Vaccination drive kung saan, maraming kabataan sa nasabing age group ang nagparehistro na laban sa nakakahawang sakit.
Ayon kay Rosario, hindi pa nakukuha ang kabuuang datos dahil karamihan sa mga kabataan ay hindi umano dumaan sa Digital Registration.
Nabatid na 38 Vaccination sites sa Metro Manila, 5 sa Central Luzon, 3 sa CALABARZON at 1 sa Cotabato City ang nakahanda para sa nasabing rollout.
Bukod pa dito, isinailalim din sa dagdag na pagsasanay ang Health care workers para sa pagbigay ng mga bakunang Pfizer na ligtas at angkop ang formulation para sa mga kabataan .
Samantala, sinabi naman ni NVOC Head Dr. Myrna cabotaje na sa 170K kabataan na nakapagparehistro online para sa ikakasang Vaccination rollout sa Metro Manila, 1K lamang ang inaasahang mababakunahan sa unang araw nito na gagawin sa 6 na pilot sites.
Nagpaalala naman si Cabotaje sa mga magulang na kumuha ng tamang impormasyon sa mga Health worker para magkaroon ng informed consent sa pagpayag na mabakunahan ang kanilang mga anak.
Nabatid na nasa 30M dose ng bakuna ang binili ng pamahalaan para sa Pediatric Vaccination Rollout ngayong araw. —sa panulat ni Angelica Doctolero