Naitala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA sa Dagupan City Pangasinan ang pinakamataas na heat index na 51.7 degrees Celsius, alas-2:00 ng hapon kahapon.
Ayon sa PAGASA, maituturing na itong mapanganib dahil makapagdudulot na ito ng heat cramps o heat exhaustion.
Posible rin itong makapagdulot ng heat stroke kung aktibo ang isang tao.
Bukod sa Dagupan, labing tatlong (13) iba pang lugar sa bansa ang nakapagtala rin ng mapanganib na heat index, kabilang ang Cuyo Palawan, Tuguegarao Cagayan at Pasay City na umabot sa 42 degrees Celsius.
Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan ng tao.
El Niño
Posibleng tumindi pa hanggang Mayo ang nararanasang mainit na panahon.
Ayon sa Climate Monitoring and Prediction Section ng PAGASA, posibleng pumalo pa 35 degrees hanggang 38 degrees Celsius ang actual air temperature sa bansa.
Anila mararamdaman ito sa Mayo at tatagal hanggang bago pumasok ang panahon ng tag-ulan.
Magugunitang noong weekend, naitala ng PAGASA ang pinakamataas na actual temperature na 35.4 degrees Celsius sa Metro Manila.
Samantala, apektado na rin ng nararanasang El Niño ang taniman ng strawberry sa La Trinidad, Benguet.
Ayon sa mga nagtatanim ng strawberry, karamihan ng mga bunga ng nasabing prutas ay maliliit at mabilis ding masira.
Isa anila sa dahilan nito ang kakulangan ng pandilig dahil hindi nasusunod ang schedule ng irigasyon.
—-