Umatras ang mahigit walong libong operator at driver ng public utility vehicles na nag-apply ng consolidation sa ilalim ng PUV modernization program.
Ito’y matapos ang 45 araw na extension na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa konsolidasyon ng mga operator at driver.
Sinabi ng transport group na Manibela, na 6,000 miyembro nito at 2,000 miyembro ng Piston ang umatras sa consolidation scheme.
Paliwanag ng grupo, nakaka-biyahe ang mga driver ng lima hanggang anim na beses sa isang linggo noon pero sa ngayon ay dalawang beses na lamang dahil gusto ng mga kooperatiba ay modern lamang ang patatakbuhin.
Dahil dito, makikipag-ugnayan ang dalawang transport group sa Department of Transportation para payagan silang makapagparehistro at makapag-renew ng prangkisa kahit hindi pa sila consolidated.