Maghahain ng kaso sa korte suprema ang labor coalition na “Nagkaisa” sakaling hindi i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proposed 2025 national budget.
Ayon kay Nagkaisa Chair Sonny Matula, kung lalagdaan at hindi babaguhin ni Pangulong Marcos ang panukalang budget para sa 2025 ay maghahain sila ng kaso laban sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Matula, hindi nila hahayaang mapabayaan ng gobyerno ang obligasyon nito sa mga mamamayang Pilipino.
Sinabi rin ng Nagkaisa Chair na ang laban na ito ay hindi lamang tungkol sa halaga ng pondo kundi pati na rin sa buhay, katarungan, at moral compass ng bansa.
Binigyang-diin ni Matula na ang zero-budget subsidy sa PhilHealth ay paglapastangan sa social justice at konstitusyon kaya kailangang i-veto ni PBBM ang panukalang budget para sa susunod na taon.
Kaugnay nito, inapela rin ng labor coalition ang agarang pagreporma sa PhilHealth at iginiit na pangunahing trabaho ng pamahalaan na unahin ang kalusugan ng publiko. – Sa panulat ni john Riz Calata