All systems go na ang Pilipinas para sa pagho-host nito sa ika-51 International Eucharistic Congress na gagawin sa Cebu sa susunod na linggo.
Ayon kay Msgr. Daniel Sanico, miyembro ng organizing committee ng IEC, kanilang uulitin ang inilatag na security preparations na ginawa noon sa pagbisita ng Santo Papa noong isang taon.
Apat na libong (4,000) pulis ang ipakakalat para tiyakin ang seguridad ng mga delegado bukod pa sa may 120 bus na sasakyan ng mga ito.
Kanselado rin ang klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong lungsod ng Cebu at handa na rin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Office of Civil Defense, Department of Health (DOH) maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
To receive first communion
Limandaang (500) mahihirap na kabataan ang bibigyan ng kanilang first communion sa susunod na linggo.
Ito’y bilang bahagi ng highlights ng 51st International Eucharistic Congress na gagawin sa Cebu City.
Ayon kay Fr. Carmelo Diola, pinuno ng Solidarity and Communion Committee ng IEC, gagawin ang first communion sa Abellana National School sa Enero 30.
Katuwang ng Simbahang Katolika ang mga opisyal ng barangay para sa pagpili ng mga mahihirap na kabataang tatanggap ng komunyon sa unang pagkakataon.
Giit ni Fr. Diola, mahalaga ang pagtanggap ng komunyon dahil bukod sa ito ang ikatlong sakramento, pakikibahagi rin ito sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon.
By Jaymark Dagala