Umarangkada na ang ika-51 International Eucharistic Congress (IEC) sa lungsod ng Cebu na tatagal ng isang linggo.
Libu-libong katao ang dumalo sa opening mass na pinangunahan ng Papal Legate na si Cardinal Charles Maung Bo ng Myanmar na siyang ipinadala ni Pope Francis.
Sa kanyang sermon, inihalintulad ni Cardinal Bo ang Katolisismo sa mga Pilipino na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo.
Binigyang diin ni Cardinal Bo ang kahalagahan ng eukaristiya sa pamumuhay ng isang Kristiyano na higit pa sa debosyon.
Hinimok din ng Cardinal ang mga mananampalataya na bukod sa pagsisimba ay ugaliin ding tumulong sa mga nangangailangan.
Ipinaliwanag ni Bo na hindi kailanman maihihiwalay ang banal na eukaristiya sa mga mahirap at dapat matutong magbahagi ng mga biyaya lalo ng pagkain sa mga nagugutom at magkaroon ng habag sa mga palaboy at mahirap.
Everyone’s welcome
Nilinaw ng mga organizer ng 51st International Eucharistic Congress o IEC na bukas para sa lahat ang nasabing religious event sa Cebu.
Ayon kay Monsignor Joseph Tan, Executive Secretary ng IEC Communications Department, wala namang masama kung dumalo rin ang mga pulitiko sa isang linggong aktibidad subalit bilang mga pilgrim.
Bagaman maluwag aniya sila sa mga pulitiko, nais nilang makatiyak na hindi magiging kampanya para sa sinumang kandidato ang IEC.
Aminado si Tan na inaasahan na nila na may ilang kandidato ang dadalo pero kanyang iginiit na hindi itatrato ang mga ito na ispesyal o very important person.
By Jaymark Dagala | Drew Nacino
*Photo Credit: mb.com.ph