Hiniwalay na ang 54 na baboy sa Solana, Cagayan makaraang magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang baboy doon.
Ayon sa acting veterinarian ng provincial government ng Cagayan na si Dr. Noli Buen, nang malaman nila na mayroong ASF ang mga alagang baboy sa lugar, agad umano silang umaksyon.
Pahayag ni Buen, siyam na barangay sa Solana ang naapektuhan ng ASF na kinabibilangan ng Bauan East, Andarayan South, Andarayan North, Bantay, Ubong, Bangag, Sampaguita, Lanna at Pataya.
Maliban naman sa mga quarantine checkpoints na inilatag ng mga otoridad, isinama narin nila ang mga marines para masigurong hindi mkakapasok sa lalawigan ang sakit.
Samantala, tiwala naman si Buen na lalabas na sa susunod na linggo ang resulta ng blood samples ng ilang baboy mula sa mga area ng Sto. Niño at Amulung na nakapagtala na ng mga kaso ng pagkamatay ng baboy.