Mahigit limampu’t limang porsyento ng mga kaso ng pagdukot sa bansa noong 2018 ay nangyari sa Mindanao.
Batay ito sa datos ng Philippine National Police (PNP) kung saan tatlumpu’t walo (38) mula sa animnapu’t siyam (69) na kaso ng kidnapping for ransom sa bansa ay nai-dokumento sa Mindanao.
Habang tatlumpong (30) kaso ang napaulat sa Luzon at isa (1) sa Visayas.
Ayon sa pnp, labing pito (17) sa mga nasabing kaso ang naideklara nang cleared na nangangahulugang nakilala na ang mga suspek at nasampahan na ng kaso.
Isa naman ang naresolba na matapos maaresto ang suspek sa pagdukot.
Iginiit naman ni PNP Chief General Oscar Albayalde na bagama’t karamihan ng mga naitatalang kidnapping incidents ay nangyayari sa Mindanao kung saan naroroon ang Abu Sayyaf, may mga lugar pa rin sa rehiyon ang mapayapa at walang naitatalang kaso ng pagdukot.
Ang nasabing datos ay ipinalabas ng PNP makaraang magpalabas ng travel advisory ang US State Department kung saan napabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na kaso ng kidnapping.
—-