Nahuli ng mga awtoridad ang 55 mga truck drivers na lumabag sa ikalawang araw ng muling pagpapatupad ng truck ban sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic czar Col. Bong Nebrija, ang naturang bilang ay naitala kaninang umaga pa lamang.
Nauna rito, umabot ng 61 mga truck drivers ang nahuli ng mga awtoridad kahapon dahil sa kaparehong paglabag.
Paliwanag ni Nebrija, ang kanilang nahuli ngayong umaga ay 90% na ng kanilang mga nahuling truck drivers na lumabag sa ipinatutupad na panuntunan.
Kasunod nito, tiniyak ng MMDA na patuloy na magbabantay ang kanilang hanay para masigurong walang lalabag sa umiiral na truck ban.