BUNGA ng mas pinaigting na kampanya ng isang telco laban sa mga ilegal na gawain gamit ang internet, na-block nito ang 554 websites na may kinalaman sa gambling, smishing at phishing sa unang tatlong buwan ng taon.
Ayon sa Globe, mas mataas ng 41.3 percent ang bilang ng mga website na naharang nito mula Enero hanggang Marso kumpara sa 392 domain na naharang sa kaparehas na panahon noong 2022. Ginagawa ito ng telco para masigurong ligtas ang online experience ng mga subscriber.
Patuloy rin ang pagre-report ng kompanya sa National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang law enforcement agencies ng websites na may mga kahina-hinalang links para sa agarang aksyon.
Maliban dito, mas pinalakas pa ng cybersecurity team ng Globe ang mga hakbang para maharang ang mga spam at online scams lalo na kung may kinalaman sa bank phishing. Mahigpit din nitong pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa mga phishing at smishing attacks.
Nabatid na ang phishing ay isa sa mga karaniwang uri ng cyber attack kung saan ginagaya ng mga manloloko ang isang organisasyon o indibidwal sa pamamagitan ng makatotohanang email o text message na may mga link papunta sa mga pekeng website o pag-download ng delikadong software.
Layunin nito na makuha ang mga sensitibong impormasyon ng biktima at magamit ito para makapagnakaw at iba pang mga gawain na labag sa batas.
Sinasabing mula Enero hanggang Marso ng taong ito, tumaas ng 2.7 percent sa 4.07 milyon ang bilang ng mga SMS na na-block ng Globe na may kinalaman sa bank-related scams kumpara sa 3.97 milyon na naitala sa kaparehas na panahon noong 2022. Ito ay bunga ng matagumpay na pakikipagtulungan ng mga bangko at financial institutions sa Globe para labanan ang online fraud.
Mula Enero 2022 hanggang Enero 2023, umabot sa 85 milyon na bank-related spam at scam messages ang na-block ng Globe. Bahagi ito ng 3 bilyon na scam at spam messages na naharang ng kumpanya sa loob lamang ng isang taon.
“We do not tolerate illegal and fraudulent activities that compromise the safety and security of our customers. We remain committed to leveraging our technological capabilities to detect and prevent such activities and to continuously invest in tools and resources that enhance our ability to protect our users. Our goal is to provide a trusted and secure digital platform that our customers can rely on,” ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng telco.
Napag-alaman na para maiwasan ang pagdami pa ng mga online fraud at iba pang krimen, namuhunan ang Globe ng mahigit $20 milyon para ma-detect at maharang ang mga scam at spam messages. Mayroon din itong Stop Spam portal para mapabilis ang proseso ng pagre-report ng mga customers kung saan makikita rin sa kanilang website ang mga karagdagang impormasyon ukol dito.