Majority ng mga Pilipino ang pabor sa pagtugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isinagawang “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research para sa third quarter ng 2023, lumabas na 58% ng adult Filipinos ang sang-ayon sa mga programa at polisiya ng pamahalaan tungkol sa territorial dispute sa China.
Mas mataas ito ng 15% kumpara sa isinagawang kaparehong survey noong second quarter ng taon.
Natuklasan din sa survey na karamihan sa respondents na sang-ayon sa state policies sa naturang isyu ay may edad na 75 pataas, habang karamihan naman sa mga hindi sang-ayon ay mga Pilipinong 18 to 24 years old.
Samantala, 42% ng mga Pilipino ang nagnanais na magkaroon ng mas maraming joint patrols kasama ang mga kaalyadong bansa.
Matatandaang simula nang maupo si Pangulong Marcos, nakapaghain ang pamahalaan ng higit sa ilang daang diplomatic protests dahil sa agresyon ng China sa WPS, kabilang na ang paggamit ng military-grade laser at water cannon sa mga barko ng Pilipinas.