Isinailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) ang 59 na hinihinalang miyembro ng Maute terror group na naaresto sa Zamboanga City.
Ang nabanggit na inquest proceedings ay pinangunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong para sa reklamong rebelyon.
Mula sa Edwin Andrews Airbase sa Zamboanga City, isinakay ang mga ito ng C-130 patungo sa Villamor Airbase sa Pasay City, saka isinakay sa bus ng Philippine Army at dinala sa DOJ.
Naaresto 32 sa isang checkpoint sa bayan ng Ipil, Zamboanga del Sur, habang ang 27 ay nadakip sa isang bahay sa Guiwan, Zamboanga City.
Nagpakilala ang mga ito na miyembro ng MNLF o Moro National Liberation Front at tutungo sana sa Camp Jabalnur sa Lanao del Sur para sa isang training upang maging miyembro ng hukbong sandatahan.
Itinanggi naman ng liderato ng MNLF na miyembro nila ang mga naaresto at wala umano silang alam sa sinasabing training ng mga ito.
Meann Tanbio | Story from Jonathan Andal