Tinukoy na ng Department of Education (DEPED) ang 59 na pampublikong paaralan na magsasagawa ng face to face classes.
Ang nasabing bilang ay kabilang sa mahigit 600 nominadong paaralan matapos makapasa sa granular risk assessment ng Department of Health (DOH).
Ayon sa DEPED, sinuri ng mabuti ng DOH Epidemiology Bureau ang mga kinilalang paaralan na kasama sa minimal or low risk batay sa alert level ng mga probinsiya.
Batay sa nakasaad sa DEPED-DOH Joint Memorandum Circular on the pilot implementation of face to face classes, nasa proseso na ang pagbibigay ng karagdagang proteksyon para sa paghahanda ng mga paaralan na kasama sa pilot phase.
Kasama sa gagawin ng DEPED ay ang pangangasiwa sa site inspection, hygiene, sanitation materials, hand washing facilities at standards classrooms at iba pa.
Kabilang sa mga eskwelahan na napili ng DEPED para sa face to face classes na mula sa Luzon ay ang Asid Elementary School sa Masbate, Laserna Intergrated School sa Aklan at Siay Central Elementary School sa Zamboanga Sibugay at iba pa.
Samantala, target naman ng DEPED na simulan ang face to face classes sa a-kinse ng Nobyembre kung saan ipatutupad lamang ito sa loob ng dalawang buwan.