Tinatayang 5,000 kawani ng Philippine General Hospital (PGH) ang maaaring mabigyan ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, lahat ay makakakuha ng bakuna mula doktor hanggang administrative personnel kung gugustuhin ng mga ito.
Sinabi ni Del Rosario na sa mismong ospital isasagawa ang pagbabakuna kung saan bago ito gagawin ay sasalang muna sa registration at screening ang mga empleyado.
Babantayan ding mabuti ng pamunuan ng ospital ang lahat ng mga kawani para sa posibleng adverse effects na lalabas ilang oras o araw pagkatapos ng vaccination.