Limang libong (5,000) pulis ang nakatakdang i-deploy ng PNP National Capital Region upang magpatupad ng kaayusan at kapayapaan sa pista ng Itim Nazareno sa Maynila sa Sabado, January 9.
Ayon kay PNP NCRPO Chief Police Director Joel Pagdilao, kabilang sa mga ipakakalat na pulis ay mga miyembro ng SWAT, intelligence division, medical team at explosives and ordinance division.
Sinabi ni Pagdilao na dalawang araw bago ang translacion sa Sabado ay kailangang malinis na sa anumang sagabal tulad ng mga nakaparadang sasakyan at sidewalk vendors ang mga daraanan ng prusisyon.
Samantala, tiniyak ni Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP na tuloy-tuloy ang isinasagawa nilang threat assesment lalo pang tinatayang milyon-milyon ang inaasahang dadalo sa traslacion.
“Sa ngayon ay wala tayong valid information na magkakaroon ng threat diyan especially doon sa terrorism, nakatutok ang NCRPO dito, ang in-charge ng security ay ang Manila Police at kaugnay natin dito ang mga local government units ofcourse specifically ang Manila City, at mga religious organizations na in-charge dito.” Pahayag ni Mayor.
Alternative routes
Nanawagan ang Manila Police District o MPD Traffic Enforcement Unit sa mga motorista na iwasan na munang dumaan sa mga lugar na daraanan ng translacion procession ng Itim na Nazareno simula umaga ng Huwebes hanggang sa Sabado.
Sa Huwebes, alas-11:00 ng umaga, isasara sa lahat ng uri ng sasakyan ang southbound lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo hanggang Plaza Miranda.
Magkakaroon kasi muna ng prusisyon ng replika ng Black Nazarene.
Pinapayuhan ng MPD ang mga motorista na iwasan na muna ang mga rutang daraanan ng prusisyon upang hindi maipit sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng mga makikilahok sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Sabado.
Sinabi ni Jhonny Yu, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, mahigpit na pinatututukan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang lahat ng detalye sa paghahanda sa nasabing espesyal na okasyon.
Partikular na aniya rito ang pagsasagawa ng clearing operations sa mga kalsadang daraanan ng traslacion mula Quirino Grandstand hanggang sa simbahan ng Quiapo.
Ayon naman ng City Engr. Roberto Bernardo, dalawang malaking prusisyon ang mangyayari sa mga darating na araw.
Una ay ang prusisyon ng replika ng Nazareno sa Enero 7 at 8 at ang mismong araw ng traslacion sa Enero 9.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Jelbert Perdez | Jaymark Dagala | Aya Yupangco (Patrol 5)