Nalambat ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang anim na indibidwal dahil umano sa pagbebenta ng hindi awtorisadong rapid antigen test kits para sa COVID-19 na nagkakahalaga ng mahigit 1.2 milyong piso.
Sa ulat kay PNP CIDG Director P/MGen. Albert Ignatius Ferro, unang isinagawa ang operasyon sa Bacoor City, Cavite, kung saan nahuli sina Maria Eileen Caballero at Mike Anderson Yao at nakuha sa kanila ang dalawang kahon ng test kits na may estimated value na 360,000 piso.
Habang nahuli rin si Maria Lourdes Judith Capucion at nakumpiska sa kanya ang dalawang kahon ng test kits na tinatayang nagkakahalaga ng 486,000 piso.
Sunod na isinagawa ang operasyon sa isang condominium sa Ermita, Manila, kung saan natiklo sina Joy Anne Llorca alyas Jas Fernando, Oliver Ong at Julius Caesar Ilagan matapos ang online transaction sa pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nakuha sa kanila ang 5 kahon ng test kits na tinatayang nagkakahalaga ng 450,000 piso.
Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Section 10 ng RA 9711 o Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009.
Pinag-iingat naman ni Ferro ang publiko laban sa mga nagsasamantala sa pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)