LALO pang pinaigting ng Globe ang kanilang nationwide campaign laban sa cable theft, katuwang ang local authorities, na nagresulta sa pagkakaaresto sa anim na magnanakaw ng kable sa Maynila.
Nabatid na ang mga insidente ay nakaapekto sa enterprise customers ng telco, kabilang ang mga nagkakaloob ng napakahalagang serbisyo tulad ng mga bangko at medical facilities.
Sinasabing sa isang insidente noon pang Setyembre 20 ay naaresto ang mga hinihinalang magnanakaw na sina Edwin Zulueta, Kyle Epola, Joenel Caparas, at Jennerold Ellore sa M.H. Del Pilar Street, Malate.
Naaktuhan umano ang mga suspek habang nagpuputol at nagnanakaw ng 200 pares ng Innove copper cable wires na tinatayang may habang 28 metro na nakaapekto sa apat na circuits na nagseserbisyo sa mga bangko, clinic at isang electronic store.
Makaraan ang tatlong araw, isa pang suspek ang nahuli ring nagnanakaw ng 200 pares ng multi-pair cables na may habang 12.5 metro sa kahabaan ng Maria Orosa Street cor. UN Avenue.
Ayon sa nangungunang digital solutions platform, ang insidente ay nakaapekto naman sa anim na circuits na nagseserbisyo sa mga bangko at clinic sa lugar.
Sa kaparehong insidente, inaresto naman si Jayson Picardo ng Paco, Maynila, ng Bantay Kable National Capital Region special operations team noong Oktubre 20 makaraang mahuling nagpuputol at nagnanakaw umano ng 100 pares ng Innove copper cable wire na may habang 21 metro sa panulukan ng
UN Avenue at General Luna na nakaapekto sa siyam na circuits na nagseserbisyo sa mga bangko, groceries at clinics sa lugar.
“At Globe, we deeply value the trust our customers place in us. Every cable represents a lifeline for someone – be it for work, learning, or staying in touch with loved ones. By joining forces with local agencies, we’re not just combating cable theft, we’re safeguarding the very connections that bind our community together,” sabi ni Gerardo Recio, head ng Globe Enterprise and Corporate Operations (ECOPS).
Samantala, napag-alaman na ang Globe ay nakapagtala na ng kabuuang 1,181 insidente ng pagnanakaw ng kable sa first half ng taon kung saan tumaas ito noong Hunyo habang may kabuuang 1,811 kaso
naman ang naitala ng telco noong nakaraang taon.