Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Environmental Crime Division ang 6 na indibiduwal dahil sa illegal quarrying sa bayan ng Lian, lalawigan ng Batangas.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge DIR. Eric Distor ang mga inaresto na sina Rodel Marinduque, Francis Dacuya, Claudio Tamayo, Roger Betonia, Sonny Marinduque at Jovencio Malabanan.
Isinagawa ng NBI ang operasyon sa Sitio Matuod sa Brgy. Binubusan sa nabanggit na lugar kasunod ng reklamo at liham mula sa environmental protection and enforcement task force na humihiling ng full protection at imbestigasyon hinggil sa nasabing aktibidad.
Nakumpirma naman ito ng mga awtoridad sa kabila ng inilabas nang cease and desist order na inilabas laban sa nasabing operasyon dahil sa kawalan ng kinakailangang mga dokumento.
Kasunod nito, ikinakasa na ng mga tauhan ng NBI ang kasong paglabag sa Republic Act 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995 laban sa mga naarestong suspek.— Ulat mula kay Patrol 5 Aya Yupangco