Kinalbo ang anim na babae ng kanilang mga ka-barangay sa isang komunidad sa Ampatuan, Maguindanao.
Ito ay bilang parusa umano sa pagiging lesbian ng mga naturang babaeng nasa 16 hanggang 20-anyos.
Ipinagbabawal kasi umano sa Islam ang pagiging bahagi ng LGBTQIA community.
Iginiit naman ni Maguindanao 2nd District Board Member King Mangudadatu na hindi ito dapat ginawa ng mga residente dahil mayroon aniyang umiiral na batas na nagbabawal sa pagkakaroon ng diskriminasyon, lalo na sa Pilipinas —bagay na kinatigan naman ng LGBT rights group na Ladlad Party-list.
Ayon kay Ladlad Party-list president Danton Remoto, ang bawat kabataan ay may civil at political rights kaya’t mali aniya ang pagpapahiya sa mga ito kung batas lamang din ang pag-uusapan.
Nakiusap rin si Remoto ng pagkakapantay-pantay na pagtrato sa bawat Pilipino.
Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang National Commission on Muslim Filipinos hinggil sa naturang insidente.