Pinakawalan ng Abu Sayyaf Group ang anim nilang bihag sa Patikul, Sulu nitong Biyernes.
Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, may natanggap silang impormasyon na nagbayad umano ng isang daang libong piso (100,000 pesos) ang pamilya ng mga biktima para makalaya.
Pero duda rito si Sobejana gayong kabilang sa mga pinakamahihirap sa Sulu ang mga binihag.
Dinukot nitong Nobyembre 14 sina Jessie Trinidad (53 anyos), Marissa Trinidad (54 anyos), Jimmy Trinidad (21 anyos), Lucy Hapole (20 anyos), at ang dalawang menor de edad na sina Marciano Hapole (14 anyos) at Nelson Hapole pitong (7) taong gulang sa kanilang bahay sa Patikul.
Ayon kay Sobejana, nang masagip ang mga bihag agad isinailalim ang mga ito sa medical examination at custodial debriefing sa loob ng kampo ng AFP sa Sulu.