Siniguro ng Department of Budget and Management (DBM) na maipapamahagi ng pamahalaan ang anim na bilyon sa sampung bilyong pisong halaga ng pondong ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga nasalanta ng bagyo sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Acting Budget Secretary Tina Rose Canda, bago matapos ang taon ay kanilang maitu-turn-over sa local LGUs ang anim na bilyong pisong halaga ng tulong para sa mga residenteng biktima ng bagyong Odette.
Sinabi ni Canda na dalawang bilyon mula sa contingency fund ng pangulo ay nailabas na nito lamang Biyernes at Lunes habang plano pang ipamahagi sa mga local government sa linggo ang nasa apat na bilyong piso pang pondo.
Bukod pa diyan, maglalabas pa ng karagdagang apat na bilyon ang pamahalaan sa susunod na taon na manggagaling naman sa mahigit P5 trillion pesos ng 2022 national budget sakaling lagdaan na ni pangulong duterte sa December 30. —sa panulat ni Angelica Doctolero