Pinalaya na ng NPA o New People’s Army ang anim na bihag nilang CAFGU makaraang makubkob ng militar ang kanilang kuta sa Brgy. San Juan, Bayugan City sa Agusan del Sur.
Ayon kay Capt. Regie Ho, tagapagsalita ng 4th infantry division ng Philippine Army, kinilala ang anim na sina Jurian Gaviola; Marson Iligan; Bienvinido Lamion; Eddie Tindoy; Sanny Malobay at Hermito Iligan.
Pinalaya aniya ang mga CAFGU dakong alas sais kagabi.
Gayunman nilinaw ni Capt. Ho, ang ginawang pagpapalaya ng mga NPA anim na CAFGU ay para mailigtas ang kanilang mga sarili mula sa pinaigting na opensiba ng militar at hindi sa ngalan ng kapayapaan.
Nakasasagabal na aniya kasi ang mga nasabingg bihag sa pagtakas ng mga rebelde at nauubos na rin aniya ang suplay ng kanilang pagkain.
Bahagi ang anim ng dalawang sundalo at labing tatlong CAFGU members mula sa New Tubigon Patrol base sa Sibagat, Agusan del Sur na dinukot nuong Disyembre ng nakalipas na taon.