Naka-isolate na rin ang anim na crew ng Philippine Airlines flight PR-300 na sinakyan ng lalaking kauna-unahang monkeypox case ng Hong Kong.
Ang anim na flight crew ng PAL na umalis ng Manila noong September 5 patungong Hong Kong ay pawang close contact ng lalaking pasaherong nakitaan ng sintomas ng nasabing virus.
Kinumpirma ni PAL Spokesperson Cielo Villaluna na inabisuhan sila ng kanilang company physician na obserbahan ang flight crew kahit pa walang sintomas ang mga ito ng monkeypox.
Ayon kay Villaluna, kahit ang eroplano na wala namang monkeypox issue ay sasailalim sa mandatory aerosol disinfection.
Nagpadala na rin anya sila ng manifesto ng flight PR300 sa DOH at Hong Kong health authorities upang makatulong sa pagtunton sa mga pasaherong nakasalamuha ng lalaking pasyente. —sa ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)