Anim na dike sa bayan ng Candaba, Pampanga ang nasira makaraang rumagasa ang tubig mula sa Pampanga River nang manalasa ang bagyong Karding sa Central Luzon.
Dahil dito, nalubog sa baha ang ekta-ektaryang mga palayan kaya’t naunsyami ang pag-a-ani ng ilang magsasaka.
Ayon sa Candaba Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, wasak ang mga dike sa barangay Mapaniqui, Barangca, Visal Sto. Nino, Visal Sto. Cristo, Pulonggubat at San Pablo.
Mula sa 33 barangay, mahigit kalahati o 16 sa mga ito ang lubog sa tubig.
Samantala, nanlumo rin ang ilang magsasaka sa Tarlac City dahil pinadapa ng bagyo ang mga palay na aanihin na sana.
Inihayag ni barangay San Manuel Chairman Crisanto Deang na 90% ng mga aanihin sanang palayan ang pinadapa ng malakas na hangin.
Gayunman, sa pagtaya ng provincial government, nasa 30% pa lamang ng mga palayan sa lalawigan ang nakapag-ani na.