Mahigpit na mino-monitor ng Department of Health (DOH) ang anim na lugar sa bansa na nakitaan ng mabilis pagtaas sa kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nakalipas na linggo.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga lugar na ito ang Cebu City, Cebu Province, Mandaue City, Lapu-Lapu City, Quezon City at Manila City.
Gayunman, nilinaw ni Vergeire na nananatili pa ring mahigit sa pitong araw ang case doubling rate sa buong bansa at tanging 60 porsyento lamang ng mga critical care facilities ang okupado.
Dagdag pa ni Vergeire, maliban sa anim na tinukoy na mga hotspots, mayroon pang umaabot sa 18,000 backlogs ng resulta sa COVID-19 test na hindi pa naipalalabas ng mga laboratoryo.
Tinukoy naman ng opisyal ang kakulangan sa encoders ng mga laboratoryo na siyang pangunahing dahilan sa pagkaka-ipon ng mga backlogs.