Low risk na sa COVID-19 ang anim na lugar sa Mindanao.
Ayon sa OCTA Research Group, kabilang sa mga lugar na ito ang Butuan, Cotabato City, Davao City, General Santos City, Iligan, at Zamboanga City.
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, nasa ”very low” category na ang reproduction rate ng mga nabanggit na lugar na nasa 0.08 hanggang 0.33.
Itinuturing naman na nasa ”very low” category ang healthcare utilization rate (HCUR) sa Butuan, Cagayan De Oro, Davao City, General Santos, Iligan, at Zamboanga City habang ang Cotabato City naman ay nasa “low” classification na may HCUR na 32%.
Nasa low category naman ang average daily attack rate (ADAR) ng Butuan, General Santos, Iligan, at Zamboanga City, habang “very low” naman ang Cotabato City na may ADAR na 0.32, at Davao City na may “moderate” ADAR na 2.24.
Iniulat din ng OCTA na nananatili sa moderate risk ang Cagayan De Oro matapos makapagtala ng ADAR na 2.67 at positivity rate na 12%.
Habang kapwa naman mataas ang positivity rate sa Iligan at General Santos na may 18% at 15%.