Hinuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang anim na miyembro ng isang pamilya dahil sa pagpatay sa isang biktima sa Cebu.
Ayon sa National Bureau Investigation (NBI) Central Visayas, minurder ang isang lalaking kinilalang si Romneck Potot na natagpuang patay malapit sa kanilang bahay sa barangay Manlagtang Bayan ng Tabogon sa Cebu.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, nakitaan ng mga pasa at mga sugat ang inaagnas na katawan ng biktima makaraang matagpuan tatlong araw matapos ang maireport na nawawala.
Nito lamang Hunyo ay kinasuhan ng NBI Region 7 ang asawa ng biktima na kinilalang si Geraldine Potot at mga biyenan ng biktima matapos masangkot sa naturang krimen.
Kabilang sa mga inaresto ang father in-law ng biktima na si Fausto Gerry Deligero at ang kaniyang asawa na si Imelda Deliguero maging ang kamag-anak nilang sina Willin Sopsop, Zaldie Sopsop, Arlene Flores at Jose Bandojo habang nanatili namang nakalaya ang asawa ng biktima na hinimok na sumuko at harapin ang nagawang krimen.
Sasampahan ng kasong murder ang mga naarestong suspek habang may nakabinbing warrant of arrest naman kay Geraldine na mahaharap sa kasong Parricide. —sa panulat ni Angelica Doctolero