Ibinasura ng Sandiganbayan ang natitirang anim pang kaso nina dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., kanyang asawang si dating first lady Imelda Marcos at dating business tycoon Eduardo Cojuangco Jr. kaugnay sa kontrobersyal na paggamit ng coconut levy funds.
Sa 42 pahinang resolusyon, ibinasura ng second division ng anti-graft court ang mga kaso dahil sa kawalan ng ebidensya at mga testigo para imbestigahan ang kaso na inihain halos apat na dekada na ang nakararaan.
Dahil sa naturang desisyon, abswelto na ang mga Marcos sa isinampang kaso ng Presidential Commission on Good Government, na ipinresenta ng Office of the Solicitor General, para maibalik ang sinasbaing ill-gotten wealth ng mga ito.
Tumutukoy ang anim na kaso sa sinasabing paglikha ng mga kumpanya mula sa coco levy funds; pagbuo at operasyon ng bugsuk project at paggawad ng 998 million pesos bilang danyos sa mga mamumuhunan sa agrikultura; mga maling pagbili at settlement ng mga account ng oil mills; maling disbursement at dissipation ng coco levy funds; pagbili sa isang beverage company, at pagbibigay ng pautang at kontrata. – Sa panulat ni Laica Cuevas