Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Dionardo Carlos ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Ito’y may kaugnayan sa pagkakasangkot ng 6 na tauhan ng PNP Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Station na itinuturong nasa likod ng pagnanakaw sa biktimang si Eddie Yuson nuong Marso a-27.
Kinilala ang mga suspek na sina PCpl Noel Espejo Sison, PCpl Rommel Toribio, PCpl Ryan Sammy Gomez Mateo, PCpl Jake Barcenilla Rosima, PCpl Mark Christian Abarca Cabanilla, 31 at PCpl Daryl Calija Sablay.
Batay sa kuha ng CCTV, patungo sana ang biktima sa Brgy. 117 para bumili ng pagkain nang lapitan siya ng isa sa mga suspek na nagpakilalang Pulis.
Matapos nito ay nagkaroon na ng pambubuno sa pagitan ng dalawa kung saan, lumapit ang nasa 5 pang suspek na sakay ng isang puting pick-up truck kung saan, nakuha ang P14,000 pera ng biktima.
Bagaman hindi na inireklamo ni Yuson ang mga suspek na Pulis dahil sa takot nito sa kaniyang kaligtasan, hindi naman tatantanan ng pamunuan ng PNP ang mga ito hanggang sa makamit ng biktima ang katarungan.