Sinampahan na ng reklamo ng Department of Tourism (DOT) region 6 ang anim na turista mula sa Metro Manila na nameke ng kanilang RT-PCR test result para makapasok ng Boracay Island.
Ayon sa DOT region 6, tatlo sa mga sinampahan ng kaso ay ang mga turistang nadiskubreng positibo pala sa COVID-19 at isinailalim sa quarantine sa Aklan training center.
Anila, inihain ang reklamong falsification of public documents sa Aklan provincial prosecutor’s office noong ika-10 ng Pebrero.
Umaasa naman ang DOT na magsisilbing halimbawa ito sa mga biyahero na huwag gumagamit ng pekeng travel documents dahil maaari silang maharap sa kasong kriminal at pagmultahin o makulong.
Paalala pa ng DOT, mayroong subsidized RT-PCR test para sa mga turista mula sa Metro Manila na maaaring i-avail sa UP-PGH at Philippine Children’s Medical Center na nagkakahalaga lamang ng P900 at P750.