Sumampa na sa anim (6) ang nasawi sa pagtama ng Magnitude 6.7 na lindol sa Surigao City.
Kinilala ng Office of Civil Defense-CARAGA Region ang mga nasawi na sina Robert Eludo, 40 taon gulang; JM Ariar, 4 na taon gulang; Wilson Lito, 35;
Lorenzo Deguino, 85 taong gulang; Roda Justina Taganahan, 83 at Wenefreda Aragon Bernal, 66 na taong gulang.
Tinaya naman ng OCD-CARAGA sa mahigit 100 ang nasugatan habang isa ang nawawala.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga naapektuhang residente sa city hall at mga paaralan na hindi napinsala ng pagyanig kaya’t kinansela ang klase sa ilang pampublikong eskwelahan.
Kabilang sa mga napinsalang imprastraktura ang mga tulay sa Barangay Luna at Sitio Kauswagan, sa Barangay Ipil; mga bahay sa Barangay Baya-Ag at Biabid sa bayan ng Sison.
Bahagya ring nasira ang bahagi ng Surigao City Trade School, provincial guests center sa Dinagat Islands, Surigao State College of Technology, Yuipco Building maging ang mga gusali at kalsada sa bayan ng Mainit.
Samantala, isang buwang sarado ang Surigao Airport dahil sa malaking bitak sa runway dulot ng pagyanig.
Mga aftershocks patuloy na nararanasan
Muling niyanig ng malakas na aftershock ang ilang bahagi ng Surigao Provinces at Eastern Visayas, kahapon.
Dakong ala 5:11 ng hapon nang tamaan ng magnitude 4.9 aftershock ang lalawigan ng Surigao Del Norte.
Natunton ang sentro ng pagyanig sa layong 19 na kilometro, timog kanluran ng Surigao City.
Naramdaman ang intesity 5 sa Surigao City; intensity 3 sa San Ricardo, Southern Leyte at intesity 2 sa Gingoog City.
Biyernes ng gabi nang tamaan ng magnitude 6.7 na lindol ang Surigao city Kung saan anim ang nasawi habang maraming gusali at bahay ang napinsala.
By: Drew Nacino