Pinatay ng ISIS-Maute group ang anim (6) na hostage nito matapos na tumangging makipaglaban sa mga sundalo.
Ayon kay 1st Infantry Battalion Commander Lt. Col Christopher Tampus, ito ang ibinahagi ng tatlong nakatakas na hostage ng Maute noong Hunyo 29.
Wala aniyang magawa ang mga bihag nang pagbabarilin ang anim (6) sa kanilang harapan kaya naman kahit anong iutos ng mga terorista ay kanilang sinusunod hanggang sa nagkaroon na sila ng pagkakataon na makatakas.
Una nang sinabi ng iba pang nakatakas na bihag pinagbabantaan silang papatayin kung hindi sila magnakaw at hahawak ng baril.
Minor recruits
Inuutusan umano ng Maute terror group ang mga menor de edad nilang mga miyembro na mamugot ng isa nilang target bilang bahagi ng kanilang initiation rites.
Ito’y makaraang ibunyag ng isang 17-anyos na miyembro ng teroristang grupo na naaresto kamakailan ng mga awtoridad sa kasagsagan ng bakbakan sa lungsod.
Kuwento ni Fahad, di niya tunay na pangalan, nahikayat umano sila ng grupo na sumama sa isang jihad dahil sa maraming babaeng Muslim umano ang pinatay ng militar sa kanilang lugar.
Pinangakuan din sila ng labing limang libong piso (P15,000) kada buwan kapag umanib umano ang mga kabataan sa Maute group at madaragdagan pa ito ng limang libong piso (P5,000) kapag naka-graduate umano sila sa pagsasanay.
Naging bahagi si Fahad ng logistics group ng Maute na nagsusuplay ng mga bala sa pamumuno ni Usman Maute na pinsan ng isa sa Maute brothers na si Abdullah.
Peace advocate group
Samantala, nababahala naman ang isang grupo sa paggamit ng mga terorista sa mga kabataan para lumahok sa panggugulo, karahasan at terorismo.
Ito’y makaraang ibunyag ng naarestong menor de edad na miyembro ng maute ang ginawang pagpapalaya sa kanila para ipagpatuloy ang mga nasimulan ng teroristang grupo.
Ayon kay Ba-i Rohaniza Sumndad-Usman, Executive Director ng Teach Peace, Build Peace Movement, hindi maitatago ang katotohanan na bantad sa karahasan at kawalan ng katarungan ang mga kabataan sa Mindanao.
Ito aniya ang dahilan kaya’t kinakailangang paigtingin ang edukasyon para sa mga kabataan sa rehiyon upang hindi na sila masilo o malinlang sa mga maling prinsipyo na ipinakakalat ng mga teroristang grupo.
By Rianne Briones / Jaymark Dagala
6 pang hostage pinatay na umano ng Maute group was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882