Anim (6) pang Pilipino ang naipit sa matinding bakbakan sa Tripoli, Libya.
Ito ang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gitna ng dalawang linggong sagupaan sa kabisera na nagresulta na sa pagkamatay ng mahigit dalawandaan at dalawampung (220) katao.
Umapela naman si Chargés D’affaires at Philippine Head of Mission Elmer Cato sa mga kaanak ng mga nasabing Pinoy na kumbinsihin ang kanilang mga mahal sa buhay na umuwi.
Ayon kay Cato, naiintindihan nila ang pangangailangan na maghanap-buhay ang mga OFW sa Libya pero nagiging mapanganib na ang sitwasyon para sa mga nais manatili sa Tripoli.
Umaasa anya ang Philippine Embassy sa Tripoli na madaragdagan ang bilang ng mga nag-avail ng repatriation na kasalukuyang nasa dalawampu’t dalawa (22).
Tinatayang isanlibo (1,000) ang nagtatrabaho sa mga ospital, oil companies at services sector sa Tripoli.
40 Pinoy sa Libya nais nang umuwi ng Pilipinas dahil sa kaguluhan doon
Nais nang umuwi ng Pilipinas ang apatnapung (40) Pilipino na nasa Libya dahil sa patuloy na kaguluhan sa Tripoli.
Sinabi ni Philippine Embassy Chargé d’Affaires Elmer Cato na ang mga nasabing Pinoy ay nagpapa-saklolo na sa embahada para makauwi ng bansa bagamat marami pa rin ang tumatangging bumalik ng Pilipinas na karamihan ay mga beterano.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Cato sa mga Pilipino sa Libya na i-avail na ang alok na repatriation ng gobyerno.