Patay ang anim na indibidwal habang kritikal naman sa ospital ang 25 pa matapos magkaroon ng gas leak ang isang industrial tanker truck sa Gujarat, Western India.
Ayon sa mga nakakita, sinubukan umano ng driver ng truck na itapon ang sakay nitong mga basura sa isang drain mula sa nakapark na tanker malapit sa isang printing factory kung saan, nagtatrabo ang mga biktima.
Pero base sa imbestigasyon ng mga otoridad, posibleng nakalalasong kemikal ang itinapon ng driver ng truck na dahilan ng pagtagas at pagkakaroon ng nakalalasong usok.
Dito na nawalan ng malay ang mga biktima matapos makalanghap ng gas dahilan ng pagkakasawi ng ilan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang nangyaring insidente.