Anim ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng militar at ng Maute terrorist group sa Sultan Dumalondong sa Lanao del Sur.
Ayon sa Task Force Ranao, kabilang sa mga nasawi ang isang sundalo at dalawang sibilyan subalit hindi muna inilabas ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Habang nakilala lamang sa mga alyas Mobarak at Popular ang dalawa sa nalalabing tatlong nasawi na mga sub-leader umano ng grupo sa ilalim ni Owayda Benito Marohomsar alyas Abu Dar.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Task Force Ranao, nabawi ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkuwentro ang matataas na kalibre ng baril, limang short magazines, isang IED o improvised explosive device, labing pitong cellphone, dalawang tablet, isang rifle scope at isang icom radio.
—-