Sinibak na sa puwesto ang anim na pulis Olongapo na umano’y nanggahasa ng isang babaeng preso.
Kinilala ang mga suspek na sina PO1 Raymond Diaz, PO3 Diosdado Alterado, PO3 Stevie Rivera, PO2 Nelson Abalos, PO1 Ed Mesias, at PO1 Gaylord Calara.
Batay sa sinumpaang salaysay ng biktimang itinago na lamang sa pangalang Megan, Hunyo 29 ng madaling araw ng mangyari umano ang panghahalay sa kaniya ni Diaz matapos utusan siyang sumayaw sa kanilang harapan ng mga kasama pa nitong pulis.
Dagdag pa niya matapos ang panghahalay, bitbit ng limang pulis sa kuwarto ang isa pang presong si alyas James na kasama ni Megan na nahuli sa drug raid.
Dito inutusan pa umano silang magtalik at nang dahil sa takot ay walang nagawa ang dalawa kundi sumunod, nagtatawanan naman aniya ang mga pulis habang sila ay pinapanood.
Ayon naman kay Olongapo City Police Officer Director Melchor Cabalza III, dismayado siya sa ginawa ng kaniyang mga tauhan na nakaapekto sa imahe ng Philippine National Police.
—-