Anim na pumping station personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, magpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga pumping stations sa kabila ng mga naturang kaso.
Ito ay dahil kaagad naman aniya silang nakapagsagawa ng contact tracing sa kanilang mga empleyado.
Magugunitang mula nang pinairal ang enhanced community quarantine ay kinailangan munang manatili ang nasa 300 empleyado ng 44 na pumping stations sa kanilang mga quarters sa lugar ng trabaho upang maiwasan ang pagkahawa sa virus mula sa labas.
Samantala, ayon naman kay Plant Engineer Benny Decolongan, nagpakalat din ang MMDA ng mga alcohol at iba pang disinfectants sa iba’t ibang bahagi ng kanilang istasyon upang madalas na makapag-sanitize ang kanilang mga empleyado.
Bukod pa aniya rito, lahat ng mga pumping station personnel ay obligadong magsuot ng masks, boots, helmets at gloves , at lagi ring pinaalalahanan hinggil sa pag-obserba ng physical distancing.