Isang uri umano ng kasong plunder ang kinasasangkutang kontrobersya ng Department of Tourism sa 60 million peso advertisement para sa PTV4 na lumilitaw na napunta sa TV program ng Tulfo brothers o sa mga kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo.
Ito ang inihayag ni Senador Antonio Trillanes makaraang igiit na hindi lang dapat sibakin kundi dapat kasuhan ang kalihim.
Ayon kay Trillanes, kahit isauli ang 60 million pesos ay hindi ito nangangahulugan na ligtas na sa kaso si Teo dahil nagawa na ang krimen at isa ring pag-amin na may nagawang krimen o pagkakamali ang pagsauli sa pera.
Samantala, nagpatutsada rin ang senador na kapag alipores ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasasangkot sa katiwalian, binibigyan ito ng ibang posisyon sa gobyerno pagkatapos sibakin o magbitiw sa pwesto.
Bukod kay Senate Committee on Tourism Chairperson Nancy Binay, maghahain din si Trillanes ng resolusyon na naglalayong paimbestigahan sa senado “in aid of legislation” ang anya’y scam o kontrobersya sa budget ng kagawaran para sa advertisement.
(With report from Cely Ortega- Bueno)