Aabot sa 600 mga pulis ang itinalaga ng Manila Police District o MPD para magbantay sa 2019 Bar Exams na magsisimula na ngayong araw ng Linggo, November 3.
Sinabi ni MPD Director Police Brig. Gen. Bernabe Balba, ipinakalat nila ang 600 mga pulis upang masiguro ang kaayusan sa palibot ng University of Santo Tomas o UST sa España, Manila na siyang paggaganapan ng eksaminasyon.
Hindi naman inaalis ng MPD ang posibilidad na dumagsa ang mga kaanak at kaibigan ng mga kukuha ng pagsusulit na maaari umanong samantalahin ng mga masasamang loob.
Inihayag ni Balba na nakaalerto na ang buong hanay ng mga pulis sa lunsod ng Maynila at handang rumesponde sa oras ng pangangailangan.