Pumapalo sa mahigit anim na libo (6,000) katao ang nananatili pa rin sa evacuation centers sa Batangas sa gitna ng earthquake swarm na naranasan sa lalawigan.
Batay sa datos ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabuang 1,222 pamilya o katumbas ng 6,022 indibidwal ang nanunuluyan ngayon sa labing-siyam (19) na evacuation centers sa Batangas.
Iniulat naman ng PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology na mahigit 1,000 aftershocks na ang kanilang naitala simula nang tumama ang magnitude 5.5 na lindol sa Tingloy Island noong nakaraang Martes.
Earthquake swarm
Magkaugnay ang lindol sa Batangas na naramdaman noong Martes at nitong nakalipas na araw ng Sabado.
Sinabi sa DWIZ ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na ang mga nasabing pagyanig na hindi naman ganoon kalakasan ay tinatawag nilang earthquake swarm.
Ang mga magkakasunod na lindol aniya ay hindi pa maituturing na major earthquake.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Director Renato Solidum
Nilinaw din ni Solidum na walang kinalaman sa West Valley Fault ang mga nangyaring pagyanig sa Batangas.
Aniya hindi masyadong malaki at mahaba ang gumalaw na fault na dahilan nang pagyanig sa lalawigan at kalapit nitong lugar.
Ayon pa kay Solidum, walang mapo-produce na malakas na lindol kapag mainit ang ilalim ng isang lugar tulad ng bayan ng Mabini sa Batangas na siyang naging sentro ng lindol nitong nakalipas na araw ng Sabado.
By Meann Tanbio | Judith Larino | Balitang Todong Lakas (Interview)
Photo via Cely Bueno