All set na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para siguruhin ang peace and order situation sa gaganaping 2019 midterm elections bukas.
Ayon kay NCRPO Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, aabot sa 16,000-strong police personnel ang ipinakalat nila sa buong Metro Manila, maliban pa aniya dito ang libu-libong police forces na nakaantabay lamang sakaling kailanganin.
Pahayag ni Eleazar, kanya nang kinansela ang lahat ng naka-leave of absence, maliban lamang sa mga may emergency reason.
Layun aniya nito na masiguro ang 100 porsyentong attendance ng mga otoridad sa iba’t ibang tanggapan at istasyon ng pambansang pulisya.
Kinumpirma naman ni Eleazar na naideliver na sa 723 polling centers ang kabuuang 8,298 vote-counting machines (VCMs) na gagamitin sa Metro Manila.
Naisagawa narin aniya ang final testing and sealing ng mga VCM at nadala na rin sa city treasurer’s office ang lahat ng official ballots na galing sa National Printing Office (NPO).
Muli namang pinaalalahanan ni Eleazar ang publiko na epektibo na kaninang alas-dose uno ng hatinggabi ang liquor ban at magtatagal hanggang hatinggabi ng May 13, election day.