Papalo sa mahigit 60,000 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa hanggang sa July 31.
Ito ang pagtaya ng UP experts na nagsabi ring posibleng umakyat sa 1,300 ang death toll sa COVID-19 sa katapusan ng susunod na buwan.
Ang nasabing grupo ay binubuo nina UP mathematics professor Dr. Guido David, UP political Science Assistant Professors Ranjit Rye at Maria Patricia Agbulos at biology professor Reverend Father Nicanor Austriaco ng providence college at University of Sto. Tomas.
Tinataya rin ng grupo na aabot sa 27,000 ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at nasa 20,000 naman sa lalawigan ng Cebu hanggang sa July 31.
Ayon sa experts ang bilang ng araw-araw na fresh cases sa NCR ay tumaas mula 271 noong nasa ilalim pa ito ng enhanced community quarantine (ECQ) sa 396 nang ibinaba ito sa modified ECQ at pumalo na sa 583 sa ilalim ng ECQ.
Malinaw anila rito ang pagtaas ng 50% ng kaso ng COVID-19 mula sa isang period patungo sa isa pa na dahil na rin sa pagtaas ng testing capacity sa bansa bagamat nananatiling stable ang positivity rate.
Inihayag ng UP experts na pataas ang positivity rate sa nakalipas na dalawang linggo na nangangahulugang mabilis ang pagkalat ng pandemya.
Binigyang diin ng UP experts na maaaring maiwasan ang pagtaas ng kaso at maging ng death toll kung mabilis na matutukoy at mapuputol ang viral transmission.