Nasabat ng mga otoridad ang halos 60, 000 bags ng mga hinihinalang hoarded sugar mula sa apat na bodega sa Guiguinto, Bulacan.
Ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), ininspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) personnel ang apat na warehouse sa T12 Polo Land, Barangay Tabang, kahapon.
Dito, nadikskubre ng mga otoridad ang mga imported na asukal na mula sa Thailand at may timbang na 50 kilos bawat sako.
Pahayag ng OPS, halos punuan ang dalawang bodega, habang umabot naman hanggang sa bubong ang pinagpatung-patong na mga saku-sakong asukal sa isang warehouse.
Sinabi pa ng ahensya na base sa pahayag ng warehouse caretaker, dumating sa kanilang bodega ang thai sugar nitong nakalipas na biyernes mula sa Manila International Container Terminal (MICT).
Inamin din umano ng caretaker na alinsunod sa Sugar Order No.3 na inisyu ng Sugar Regulatory Board noong Pebrero ang ginamit nilang permit kaya’t nakapag-angkat sila ng libu-libong sako ng mga nasabat na Thai sugar.
Dagdag pa ng OPS, nagsasagawa na ngayon ng beripikasyon ang mga opisyal ng Customs kaugnay sa legalidad ng mga importation documents na iprinesenta ng caretaker ng mga bodega ng asukal sa Guiguinto, Bulacan.
Samantala, napigilan naman ng mga ahente ng BOC sa Subic Port, Zambales ang pagpasok ng hinihinalang smuggelled na asukal na aabot sa 7,021 metric tons matapos mapag-alamang recycled ang import permit na ginamit para dito.
Una nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, na tuloy-tuloy ang mga isinasagawang pag-iinspeksyon ng BOC at ng iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno sa mga imbakan ng asukal, alinsunod sa pinaigting na kampanya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., laban sa mga illegal na importasyon ng mga produktong pang-agrikultura.